Uuwi Ako Mag-Isa
Haay, salamat naman at uwian na. Kanina pa ako inip na inip umuwi, aba ang hirap atang magpanggap na may ginagawa. Galing ko na ngang matulog ng dilat eh, sakit nga lang sa ulo. Paalis na sana ako ng biglang nag-text yung pinsan ko at hihintayin nya daw ako sa baba ng building para sabay na kaming umuwi. Kaya hayun, nagsinungaling na naman akong kunwari ay may gagawin pa ako para lang maiwasan sya.
Ewan ko ba, bakit ayokong may kasabay samantalang yung iba ay naghihintay o di kaya ay may susunduin pa para lang may makasabay sa pag-uwi. Hindi naman ako loner, basta lang gusto ko mag-isa akong umuuwi. Gusto ko wala akong kakilalang kasakay sa jeep. Gusto ko mag-isa lang ako sa byahe.
Ano nga bang meron sa jeep? Ano nga bang nangyayari sa byahe ko pag-umuuwi ako?
Madami. Iba-ibang klaseng tao. Iba-ibang klaseng komedya.
Case # 1
"Aray, ano ba?"
Madalas na dialogue ng mga babaeng feeling commercial model ng shampoo kung ipatangay sa hangin ang buhok. Mga walang pakialam kahit na ang mga katabi nila ay hirap na hirap na sa pag-iwas sa paghampas nito sa mukha nila. Kaya ako kapag di na ako makapagpigil, hinihila ko na yung buhok, sabay sorry kunwari akala ko buhok ko yun. At kapag sinusumpong ako, kinakalabit ko na at sinasabihan kong hindi ako kumakain ng buhok.
Case # 2
"Blah, blah, blah.'
Mga taong feeling sila lang ang sakay na kung mag-usap ay dinig ng lahat ng pasahero. Nakakaaliw sila minsan lalo na't mahaba ang byahe at walang radyo yung jeep. Pampalipas oras din sila, minsan nga gusto ko ng sumabat dun sa kwentuhan nila lalo na kapag nakaka-relate ako. Pero kapag inaantok ako at di na makapagpigil tinitignan ko sila na parang gusto kong dukutin ang lalamunan nila.
Case # 3:
"Pakiabot lang po."
Kapag napaupo ka ng medyo malapit-lapit sa driver, asahan mong magiging taga-abot ka ng bayad. Ok lang sana yun eh, hwag ka lang makaka-tyempo ng driver na may pagka-manyakis na nanadyang manghaplos ng kamay. O kaya naman ng driver na parang di pa ata nakakaalam na uso na ang deodorant. O kaya naman ng driver na mas malakas pang bumuga sa tambutso nya ang bunganga. Syempre wala naman akong magawa kundi ang magtakip na lang ng ilong at umurong agad kapag medyo lumuwang. At meron namang mga pasaherong sobrang bait na hindi ka pa nakakapagsalita ay kinukuha na sa kamay mo ang bayad mo. Meron din syempreng matatapang na kapag hindi mo nakuha agad yung bayad nila ay medyo itataas ang boses at may kasama pang ismid. Hay naku, pede ba wala akong kumisyon sa pag-abot ng bayad nyo ha.
Case # 4:
"Makikiusog nga."
Para sa mga kung umupo ay kala mo pang-dalawang tao ang binayaran. May mga babaeng kung umupo ay nakalihis, walang pakialam na yung katabi nya kalahating pwet na lang ang nakaupo. Meron din mga lalaking kung makaupo ay halos mangingimi kang tumingin sa kanya dahil sa laki ng pagkakabukaka. Animo'y may kung anong pinoprotektahan sa pagitan ng kanyang mga hita. Kapag ipit na ipit na ako, sinasabayan ko ang pag-preno ng mama sa pag-usog. Pasensyahan na lang kung mapalakas.
Case # 5:
"Ooozzz."
Wala namang masama kung matulog ka habang nasa byahe, pero sana lang walang dantayan at basagan ng bao. Kapag may katabi akong natutulog na, hinahayaan ko lang (syempre alangan namang pigilan ko) at kapag babagsak na ung ulo nya sa 'kin, bigla kong ibinababa balikat ko para magulantang sya. Pero kapag cute ibang usapan na yan. Itinataas ko pa balikat ko para makahilig at ng makatulog sya ng maayos at ok lang na magka-untugan kami, malay mo magpakilala pa sya, asa pa.
Case # 6:
"Mama, para ho."
May mga driver na di mo mapipigilang mapamura sa sobrang tagal bago huminto na halos kailanganin mo ng sumakay pabalik sa layo ng pinagbabaan sa 'yo. Meron namang hihinto kahit na sa gitna ng kalsada mabawasan lang agad ang sakay nya. At meron ding halos mahalikan mo na yung katabi o kung minalas-malas ka ay mahuhulog ka pa dahil sa biglang pagpreno nya. May mga pasahero namang hindi pa nakuntento sa pagkalakas-lakas na pagsabi ng para at kumakatok pa sa bubong. Merong namang magbabayad kapag pababa na at may gana pang magalit kapag hindi agad naihinto ang sasakyan. At syempre merong mga nagmamadaling akala mo ay mauubusan ng lupa kung bumaba, kasehodang mabunggo at matapakan nyang lahat ng daraanan nya. Pero pamatay pa ring yung minsang may nakasakay akong mama na pagkalakas-lakas at paulit-ulit na sumisigaw ng "Bayad ho, bayad ho, bayad ho." Syempre yung driver, kuntodo extend ng kamay nya. Nakatingin na lahat dun sa mama na kumakatok-katok pa sa bubong ng jeep. Sabay naalala nyang "Para" pala ang dapat nyang isinisigaw. Nyahaha.tawa ko ng tawa pagkababa nung mama!
Case # 7:
"Hon, love, etc."
Syempre pa, hindi mawawala ang mga mag-syotang kala mo may sariling mundo na kung maglampungan ay parang mga pusang di mapakali. Libreng sine 'to, rated 18, kaya lang nakakabitin din lalo na kapag nauna kang bumaba sa kanila. Meron tuloy mga lalaking 'nag-iinit' at biglang bibitaw ang kamay sa pagkakahawak sa bakal para kunwari mapapasubsob sa katabi nila o kaya naman bigla mong mararamdaman na yung siko nila nasa tagiliran mo na. Sarap sampalin ng mga ganung lalaki. Di naman sa nakikialam ako, pero wala namang inggitan.
Hay naku, ilan lang yan sa mga nararanasan ko kapag umuuwi ako. Dami pa kong kwento kaya lang uwian na eh.
Magbi-byahe pa ako.
Sasakay na ako ng jeep.
Uuwi ulit akong mag-isa.
No comments:
Post a Comment